sa biyahe, sa ulan, sa meron, sa wala
18 JULY 2005
masaya na ako na wala ka. Di na nga kita naiisip e. Kumbinsido na ako na ayus lang ako kahet di na tayo magkita. Madami pang iba dyan, madalas kong hirit sa sarili.
pero kagabi, sa di inaasahang pagkakataon ay nakita kong muli ang iyong imahe – sa isang lalakeng kasabay ko sa jeep. Di ko maiwasang mapatingin sa tuwing maghaharutan sila ng nobya niya. Hindi dahil naalala ko ang paghaharutan natin (dahil kahet kelan di naman tayo nagharutan) kundi dahil nakikita ko sa kabuuhan niya ang isang malaking IKAW na tila minumulto ako at sinasabing “ganito na ako kasaya ngayon sa piling ng mahal ko”.
pinigilan ko ang sarili ko sa katitingin sa kanila. Baka kase magalit pa ang nobya nya, di pa naman sya ganun kaganda. Pasulyap ko nalang na tinitingnan ang mga mata nya, ang pamimilantik ng mga daliri nya, ang mga ngiti nya (sa akin sa tuwing mahuhuli nya akong nakatitig sa kanya), ang galaw ng labi nya sa tuwing magsasalita sya…
hay.
di ko namalayan ang mahabang byahe dahil masaya akong iniisip ang mga alaala, ang isang IKAW na dating malaking bahagi ng AKO.
Mayamaya ay bumaba na sila ng nobya nya. Babay na, salamat sa panandaliang saya. Gustuhin ko mang ipaalam sa kanya na sobra niya akong pinasaya, di ko magawa kaya nilubos ko nalang ang huling sandali. Tinitigan ko sya at hinintay na balikan nya ako ng tingin na di naman nya ipinagdamot. Sa huling sandali ay nakita ko ang IKAW sa kanya.
Nasa bahay na ako nang tuluyan kong mahimay ang lahat ng pangyayari. Mukha pala akong tanga kanina, sabi ko. Pero ayus lang, di naman masusuklian ang saya kahet panadalian lang.
Posted at 08:50 am by sigelagpahiyum